Walang karapatang makipag-break ang isang lalaki..

(BABALA: Ang mga susunod na pahayag ay pawang opinyon lamang.)

Normal na ang hiwalayan sa relasyon. Kung hindi man lahat, karamihan dun din ang bagsak. Bakit? Simple lang…

Hindi sila para sa isa’t-isa.
HIndi nila matagalan ang isa’t-isa.
O may gusto na silang iba.

Pero sa isang BREAK UP, marapat lamang at hanggang maaari, si BABAE dapat ang makipaghiwalay. Bakit? Kasi ganito yan mga pre…

Una, ikaw ang nanligaw sa kanya. Dapat kinilala mo muna sya bago mo tuluyang niligawan. Hindi yung nakita mo lang na maputi, seksi o maganda, niligawan mo na. Ni hindi mo iniisip kung mabait ba yan o swak ba kayo sa isa’t-isa.

Pangalawa, kung wala ka na talagang nararamdaman para sa kanya, sabihin mo. Ipaliwanag mo kung anong problema. Baka kasi pwede nyo pang ayusin. Kung naniniwala ka sa pagmamahalan nyo, gagawa ka ng paraan para bumalik kung anong nawala o maayos bago pa tuluyang mawala.

At pangatlo, kasi BABAE sya at LALAKI ka. Be a gentleman kahit sa huling pagkakataon. Alam mo ba kung gaano kasakit sa isang babae ang iwan ng taong mahal nila? Para yang sumakay kayo sa bus tapos inunahan mo syang umupo sa nag-iisang bakanteng upuan. O mas masakit pa tulad ng pagsampal mo sa kanya sa harap ng maraming tao. Bastusan diba? Babae pa rin yan. Naisip mo ba paano kapag tinanong sya ng mga kaibigan nya kung bakit HINDI NA KAYO? Ano isasagot nya, “Kasi nakipag break BF ko” Sakit non. Mahal mo man o hindi na, hindi mababago nun ang katotohanan na dapat mo syang respetuhin. Tandaan mo, may nanay o kapatid o lola ka. Babae rin sila.

Masakit sa dalawang tao ang maghiwalay ng landas lalo na kung mahal o minahal talaga nila ang isa’t-isa. Kaya hangga’t maaari, huwag nang pahirapan pa ang sarili. Lumayo kung kaylangan. Umiwas para di na masaktan. At matutong magmahal at magtiwala muli.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *